Dagat na Kalangitan
Monday, June 27th, 2005Lumalangoy ako sa matang maligamgam na dagat
Kung saan ‘di mo malalaman kung kailan lalamig o iinit
O kung malulunod ngunit nais namang malunod,
Subalit hinahanap pa rin kung saan kakapit.
Nasisilaw ako sa liwanag na kay bughaw
Ng kalangitang sumisilip sa likod ng mga ulap
Na wari ba’y dahan-dahang lumilipad
Patungo sa mapanganib na alapaap.
Dito’y nababalot sa ‘yong umiiyak na kalungkutan,
Sa pangamba ng ‘yong kadiliman,
Sa lamig ng ‘yong pag-iisa,
Sa init ng ‘yong pag-aaruga
At ako’y ligtas
At nanganganib
Sa dagat na kalangitan
Kung saan maaaring
Mahulog o malunod
Anumang oras dahil maaaring ako’y iyong
Ibigin o kitilin
Kaya ngayo’y nananatiling nakatayo
At ‘di gumagalaw
At ninanamnam ang paglangoy
Sa matang dagat na kalangitan.