Archive for July, 2007

Harapin ang Musika

Monday, July 30th, 2007

Natatakot ako.

Kaya hindi ako matatakot.

Dahil lahat ay may kapalit.

At kahit wala naman.

Ano pang magagawa ko?

Thursday, July 26th, 2007

Ayoko na. Kaya kakayanin ko.

Kailangang maiayos na. Kailangang wala nang kahit isang segundo ng pagsuko. Masaya naman e. Kasi kung walang conflict, walang kwento. Kailangan ng conflict. At tagumpay pagkatapos ng climax. Dahil walang ibang pwedeng patunguhan kundi ang aking happy ending. (Double meaning, yes.) Mahal ko kayo, mahal ko sarili ko.

Mahal kita.

Salamat.

Masayang ngumiti. Masayang matapos.

At magsimula ulit.

Masarap maniwala. At naniniwala ako. Dahil, dahil, dahil

gusto ko.

Alay kay Darla at sa mga Usisera

Monday, July 16th, 2007

Sabi sa isang kanta ni Mika na Happy Ending, walang pag-ibig kung walang sakripisyo. At syempre, ang sakripisyo ay nabubuhay sa iba’t-ibang anyo.

Sa akin, ang anyo ng sakripisyo ay ang pagkawasak ng aking naratibo, ng aking pilosopiya, ng aking buong mundo.

Hindi ko sinisisi ang pag-ibig. Hindi niya ito hiningi. Kalikasan nga lang niyang magdulot ng sakripisyo. At ang kapalit, pag-ibig. Hindi ba isang di pangkaraniwang dyamante ang napasa’kin?

Payo ni Jonathan kayla Riley sa Buffy the Vampire Slayer, komplikado ang mayroon sila, pero nakabigat ng halaga nito. Kaya hindi dapat sumuko. Napakarami ng hinihinging kapalit ng mundo at ngayong nagbigay ng isang miraglo, bakit ako magrereklamo? Dapat ko lang basahin ng mas maigi ang kwento upang makita na dahil sa pagka-komplika, natatakpan ang katotohanan.

At ito ang katotohanan, na sa pamamagitan ng pagkawasak ng mundo, ay mas mahalaga ang mayroon sila Riley at Buffy kaysa sa mga problemang hinayaan nilang magpahiwalay sa kanila. Dahil ito ang kwento,

ang tanging sakripisyo na kinailagan kong gawin ay tanggalin ang piring sa aking mga mata.

Ang sakripisyo ng pagkamulat sa kasinungalingan ng aking naratibo.

Walang ginawa ang pag-ibig kundi saktan ako upang matulungan.

Ipinakita niya sa akin ang kahinaan ng mga tao at ang aking halaga. Na ako rin naman, mayroon akong halaga. Na kailangan kong matutong mapagod na mag-alay ng luha para sa mga taong hindi naman karapatdapat sa mga luha at lumuha para sa mga taong nagpaparamdam ng aking halaga.

Isinabak din ako nito sa gulo upang isabuhay ang mga prinsipyong hanggang salita ko lang noon kaya. Tumindig sa sariling mga paa at kahit papaano, tumigil sa pagiging ipokrita.

Hindi madali ang proseso ng pagmulat. Sabi nga ni Tiffany Aching sa The Wee Free Men, kaya nananaginip ang mga tao dahil hindi kakayanin ng taong laging mulat sa mundong nag-aalay ng mapapait na katotohanan.  Pero ang mga sandaling mga pagkamulat ang nagbibigay ng pakiramdam na nasa tuktok ng bundok, ng kapangyarihan sa pamamagitan ng pagiging isa sa mundo.

Kapangyarihang naka-apak pa rin sa lupa.

Mapait pa rin para sa’kin ang kwento pero na sa’kin ang diyamante. Di pangkaraniwang regalo na ang hinihingi lang na kapalit ay basahin ko nang maigi ang kwento.

Sakripisyo. Pagkawasak. Kadalasan iniisip ang mga ito bilang mga negatibong bagay. Pero sabi nga, kailangan ito upang may matamo, upang may mabuo, upang umunlad.

At sa paanong paraan?

Hindi ako susuko dahil gusto kong malaman.